I was invited to be the guest speaker for the first graduation ceremonies of Kita-Kita High School Senior High School, San Jose City Nueva Ecija on July 11, 2023. Archiving it here for Sprout to read when she’s older.


Magandang hapon.

Kaka-graduate ko pa lang ng elementary, pangarap ko nang bumalik sa school namin para maging guest speaker sa graduation. Kaya, nung ininvite ako ni Sir Francis, super excited ako. First time ko po, kaya salamat sa pagtanggap sa akin.

Pagkatapos ng initial excitement na maka-receive ng invitation, saka ko naisip: anong sasabihin ko na may mapupulot kayo? Anong sasabihin ko na hindi niyo pa alam? Paano ba kayo maiinspire? O mae-entertain? Hindi na kasi ako active sa social media kaya hindi na ako updated sa kung anong trending ngayon. Tulad ng, bakit ba may tumatambling sa pagitan ng bawat salita ng, “Bakit malungkot ang beshy ko? Kasi last day na namin sa high school ito.”

Magkukuwento na lang ako tungkol sa love.

Hindi ko pangarap maging librarian. Well, sino bang nangarap maging librarian? Hindi nga natin alam na meron palang ganung course.

Mahilig akong magbasa simula pagkabata. Pero ang gusto ko talaga, magsulat. Gusto kong magsulat ng teleserye para sa ABS-CBN. Gusto kong magsulat ng pelikula para sa Star Cinema. Gusto kong magsulat ng pocketbook para sa Precious Hearts.

Pero nung nagfi-fillout ako ng form ng UPCAT, sabi ng mama ko, wala daw pera sa creative writing. Unless sobrang galing ko o may kilala ako sa ABS-CBN, wala akong magiging trabaho. Kumuha daw ako ng course na siguradong may trabaho. Yung may sweldo.

Sakto nung araw na yun, nandoon sa bahay namin yung City Librarian natin. Sabi niya, mag-library science ako. At binanggit niya kung magkano yung sweldo niya.

E di ako naman, sige, bahala na. Hindi naman ako umaasa na papasa ako sa UP. Kasi, may pagkabobo sa math at science itong nasa harap niyo. Hindi ako nagpapaka-humble. Seventy-six kami sa batch nung high school. Sa ranking, number 70 ako.

Kaya nung lumabas yung results, nagulat ang lahat. Pumasa ako sa UP. Ayoko sanang mag-enroll dun, kasi pumasa naman ako ng Dev Comm sa CL. Pero wala pa kaming UP graduate sa pamilya. Sabi ni papa, gagawan nila ng paraan. Kaya, ito: Student Number 05-36294.

Pero hindi ko gusto yung course ko. Sa buong klase namin, ako lagi yung pinakamababa ang grades. Lagi akong inaantok. Enjoy na enjoy ako at matataas ang grades ko sa ibang subjects. Pero pagdating sa majors, 2.5, 2.75, tres. Pasang-awa. Pati nga yung OJT, muntik ko nang ibagsak.

Nung natapos ko yung 2nd year, nag-decide akong mag-shift. Pumunta ako sa College of Social Work and Community Development. Bakit daw ako lilipat e matataas naman yung grades ko. Meron kasing reputasyon yung college na yun na dun lumilipat yung mga na-kick out sa ibang course. In short, pinayagan akong mag-shift.

Pero nung sinabi ko kay mama na magshi-shift na ako, sabi niya, tapusin ko na lang yung course ko. Sayang naman yung dalawang taon. At kawawa naman yung mga kapatid ko na baka ma-delay kapag nag-extend ako. Sakto lang kasi yung pera nila. Anyway, sabi ni mama, kapag may trabaho na ako, pwede ko nang pag-aralin yung sarili ko sa kahit anong course na gusto ko.

So, pinagpatuloy ko na lang.

Nung graduation, sobra akong nagsisi. 0.8 na lang, cum laude na ako. Naisip ko, wala pa akong ka-effort-effort nito. Baka nagka-laude ako kung binawasan ko yung kakapanood ko ng Kdrama. Baka isipin niyo wala pang Kdrama nung panahon namin. Panahon namin nung nagsimula yan. Memories of Bali? Princess Hours? Lovers in Paris? Endless Love. Speaking of love, siguro, cum laude ako kung binawasan ko yung pagtitig sa first love ko.

Nung umuwi ako pagkatapos ng board exams, iyak ako ng iyak sa bus mula Cubao hanggang San Jose. Kasi, yung college namin, 100% passing rate lagi sa board exams. Alam ko sa sarili ko na mali yung mga sagot ko sa mga tanong na natatandaan ko. Paano kung ako yung unang bumagsak sa college namin? Nung panahon na yun, hindi ako palasimba. Pero dasal ako ng dasal. Kung babagsak ako, Lord, ibagsak mo din yung iba… kahit isa.

Kaya walang makapaniwala nung lumabas yung results at top 3 ako. Ako, na laging inaantok. Ako, na umiiyak sa stage fright kapag nagrereport. Ako, na halos ayaw pumasok. Paano? Ewan ko din.

Sa mga inapplyan ko, unang tumawag sa akin ang Constancio Padilla National High School. Inaamin ko, napakalaking pagsisisi ko na tinanggap ko yung trabaho. Luma yung mga libro. Walang budget. Walang aircon. Walang tiles. At sa loob ng isang taon, dalawang bata lang ang humiram ng libro.

Diyos ko! Pa’no ko magugustuhang magtrabaho dito?

Pero nakalimang taon ako sa Constancio. Nung lumipat ako sa Division nung 2015, 1,500 out of 5,000 na estudyante ang humiram ng libro nung previous school year. All voluntary, walang required, walang pinilit. One-fourth ng collection namin ang laging hinihiram at pinag-aagawan ng mga bata. Meron kaming library club. At laging madumi yung library dahil laging may estudyante.

At that point, I was in a job that I loved. I loved being a public school librarian. Hindi man ito yung kursong gusto ko, pero natutunan kong mahalin nung nandun na ako.

At ngayon kumusta naman yung original kong pangarap na magsulat? Well, nakapagsulat na ako ng kuwento na runner up sa buong DepEd. Meron na akong articles sa Inquirer at Rappler. At malaking part na ng trabaho ko ang tulungan ang mga teacher, tulad ni Ma’am Divine, na gumawa ng mga kuwento.

Anong gusto kong sabihin?

Sabi nila: “Take a job that you love and you will never have to work a day in your life.” Magkaroon daw tayo ng trabaho na mahal natin, para parang hindi tayo nagtatatrabaho. Pero alam nating lahat na nanggagaling iyon sa isang place of privilege. Ang totoo, hindi lahat tayo, magagawa ang gusto natin. Marami sa atin, yung pangarap ay mahahadlangan ng pera, kakayahan, mga hindi inaasahang pangyayari, mga responsibilidad.

Sa mga susunod na araw, buwan, o taon, marami sa inyo ang papasok sa trabahong hindi niyo naman gusto, trabahong hindi niyo pinangarap. Pero, ganun talaga. Yan ang meron e. Pero eventually, hopefully, sana buksan niyo ang puso niyo na mahalin kung saan kayo dinala ng pagkakataon, ng tadhana, ng plano ng Diyos.

Dahil, graduates, hindi porke crush mo, ika-crush back ka rin.

Hindi porke mahal mo, ibibigay sa’yo.

At yung first love, minsan, madalas, hindi naman talaga yun ang true love.

Bukas, meron sa inyong magsisimula nang magtrabaho. Merong maghahanda na para sa kolehiyo. Merong ibang magnenegosyo.

Remember that wherever you are, that’s where you’re supposed to be at that exact point in your life.

Hanggang wala kang inaagrabyado, hanggang may mabuti kang nagagawa para sa sarili mo, sa pamilya, sa community, sa Pilipinas, sa mundo, nasaan ka man, nasa tamang lugar ka.

Kita-Kita High School Senior High School Batch of 2023: Congratulations and good luck sa pagsisimula sa tunay na buhay.

Your millennial ate is rooting for you.

Maraming salamat po at magandang hapon sa lahat.

Patti Castillo-De Guzman Avatar

Published by

Categories: , ,

Leave a comment